JOSE RIZAL
MAITUTURING na nagmula sa may kayang pamilya ang ating pambansang
bayaning si Dr. Jose Rizal. Ang kanyang amang si Don Jose ay isang
magsasaka ng tubo, at katiwala ng malawak na lupain. Samantalang ang
kanyang inang si Donya Teodora ay may mataas na pinag-aralan na bihira sa
kababaihan noong panahong iyon.
Ang pamilya Rizal ay nakatira sa kongkretong bahay na may malawak na
hardin, pribadong aklatan, kung saan matatagpuan ang daan-daang
kolek-siyon ng aklat. Bagaman at maraming kapatid na babae si Jose o
Pepe na maaaring mag-alaga sa kanya, kumuha pa ang kanyang ama ng
yaya na siyang nag-alaga sa kanya.
Si Donya Teodora naman ang sumubaybay sa panimulang edukasyon ng
batang Rizal. Tinuruan niya itong magbasa, magdasal, at magrosaryo.
Kalaunan ay kumuha rin ng pribadong tagapagturo ang kanyang mga
magulang para magturo sa pagbabasa, pagsulat, gayundin sa pag-aaral ng
Latin.
Dahil sa pagkakaroon ng maraming aklat sa bahay at paghikayat ng kanyang
mga magulang kung kaya't labis na nagkahilig ang batang si Pepe sa higit
pang pag-aaral at pagkatuto hanggang sa mga huling bahagi ng kanyang
buhay. Siyam na taong gulang si Jose nang dalhin siya ng kanyang ama sa
Binan, Laguna, upang ipagpatuloy ang kanyang pormal na pag-aaral.
Hindi maganda ang karanasan ni Rizal sa paaralang iyon, anupa't naisulat
niya sa kanyang tala-arawan ang pagkakatanggap ng palo mula sa kanyang
guro na may istriktong pamamaraan ng pagtuturo. Sa kabila ng kanyang
pagiging mabuting bata, bihira ang araw na hindi napapalo ang kanyang mga
palad.
Ayaw ni Rizal sa gayong paraan ng pagtuturo, at ito ay nabanggit niya sa
kanyang nobelang Noli Me Tangere, na tumutukoy sa hindi magandang
epekto ng ganoong paraan sa asal at isipan ng mga bata. Aniya, imposible
ang makapag-isip nang maayos sa harap ng patpat na pamalo at latigo, at
matatakot maging ang isang batang matalino.
Noong 1872, nagpatala si Rizal sa Ateneo Municipal para sa digri sa Batselor
sa Sining. Ang kakaibang espiritu ng kumpetisyon at personal na disiplina ay
nagpaibayo sa panibagong interes para siya ay lalong pang matuto.
Ang kanilang klase ay hinati sa dalawang grupo. Ang unang grupo ay tinawag
na Romano samantalang ang ikalawa ay tinawag na Carthaginian. Ang mga
miyembro ng grupo ay inihahanay sa kanilang tagumpay sa kanilang
pang-araw-araw na leksiyon.
Nagsimula si Rizal sa grupong Carthaginian na nasa hulihan ng talaan, pero
makaraan ang isang buwan, siya ay tinanghal na emperador at ginawaran ng
estampita. Nagtamo rin siya ng mga medalya at pagkilala dahil sa kanyang
termino at nananatiling tumatanggap ng markang pinakamahusay sa halos
lahat ng kanyang mga aralin.
Nang lumaon ay nag-aral siya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas
kasabay ng pag-aaral niya ng surveying sa pagtuturo ng mga Heswita. Nang
siya ay 17 taong gulang ay nagtungo siya sa Espanya upang mag-aral sa
Universidad Central de Madrid. Noong 1885 ay pareho niyang natapos ang
kursong medisina at pilosopiya.
Dahil sa espiritu ng liberalismo sa Europa kaya't mas lumawak ang kanyang
interes. Nag-aral siya ng iba't ibang lengguwahe, naglakbay sa maraming
bansa, kasabay ng kanyang aktibong kampanya para sa reporma sa
Pilipinas. Isinulat niya ang isa pang nobela, ang El Filibusterismo at nagsalin
ng Sucesos de las Islas Filipinas, kung saan kanyang itinuwid ang mga
pagkakamali sa nakatalang kasaysayan ng Pilipinas. Nagbigay din siya ng
mga kontribusyon sa La Solidaridad, ang pahayagan ng mga repormistang
Pilipino sa Espanya.
Nang siya ay magbalik sa Pilipinas noong 1892, ipinatapon siya sa Dapitan
ng pamahalaang Espanyol, dahil sa umano'y pag-iingat ng mga subersibong
papeles. Papunta siya sa Cuba upang magsilbi bilang boluntaryong doktor
nang sumiklab ang rebolusyon sa Pilipinas. Hinuli siya at kinasuhan ng
rebelyon at sedisyon.
Noong Disyembre 30, 1896, binaril siya sa Luneta. Ayaw ni Rizal na barilin
siya nang nakatalikod kagaya ng isang traydor, pero hindi pinayagan ang
kanyang hiling na barilin na nakaharap sa firing squad. Sa oras ng
eksekyusyon, nang marinig ni Rizal ang mga putok, ay ipinihit niya ang
kanyang katawan. Bumagsak siyang patihaya, paharap sa sumisikat na araw
sa umagang iyon ng Disyembre - kagaya ng isang kagalang-galang na tao na
dapat na pagkilala sa kanya.