Make your own free website on Tripod.com
BS-ECE II-3
 

Home


Rizal's Life


Women of Rizal


Gallery


Feedback


Acknowledgements

go to bottom



JOSE RIZAL


MAITUTURING na nagmula sa may kayang pamilya ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Ang kanyang amang si Don Jose ay isang magsasaka ng tubo, at katiwala ng malawak na lupain. Samantalang ang kanyang inang si Donya Teodora ay may mataas na pinag-aralan na bihira sa kababaihan noong panahong iyon. Ang pamilya Rizal ay nakatira sa kongkretong bahay na may malawak na hardin, pribadong aklatan, kung saan matatagpuan ang daan-daang kolek-siyon ng aklat. Bagaman at maraming kapatid na babae si Jose o Pepe na maaaring mag-alaga sa kanya, kumuha pa ang kanyang ama ng yaya na siyang nag-alaga sa kanya. Si Donya Teodora naman ang sumubaybay sa panimulang edukasyon ng batang Rizal. Tinuruan niya itong magbasa, magdasal, at magrosaryo. Kalaunan ay kumuha rin ng pribadong tagapagturo ang kanyang mga magulang para magturo sa pagbabasa, pagsulat, gayundin sa pag-aaral ng Latin. Dahil sa pagkakaroon ng maraming aklat sa bahay at paghikayat ng kanyang mga magulang kung kaya't labis na nagkahilig ang batang si Pepe sa higit pang pag-aaral at pagkatuto hanggang sa mga huling bahagi ng kanyang buhay. Siyam na taong gulang si Jose nang dalhin siya ng kanyang ama sa Binan, Laguna, upang ipagpatuloy ang kanyang pormal na pag-aaral. Hindi maganda ang karanasan ni Rizal sa paaralang iyon, anupa't naisulat niya sa kanyang tala-arawan ang pagkakatanggap ng palo mula sa kanyang guro na may istriktong pamamaraan ng pagtuturo. Sa kabila ng kanyang pagiging mabuting bata, bihira ang araw na hindi napapalo ang kanyang mga palad. Ayaw ni Rizal sa gayong paraan ng pagtuturo, at ito ay nabanggit niya sa kanyang nobelang Noli Me Tangere, na tumutukoy sa hindi magandang epekto ng ganoong paraan sa asal at isipan ng mga bata. Aniya, imposible ang makapag-isip nang maayos sa harap ng patpat na pamalo at latigo, at matatakot maging ang isang batang matalino. Noong 1872, nagpatala si Rizal sa Ateneo Municipal para sa digri sa Batselor sa Sining. Ang kakaibang espiritu ng kumpetisyon at personal na disiplina ay nagpaibayo sa panibagong interes para siya ay lalong pang matuto. Ang kanilang klase ay hinati sa dalawang grupo. Ang unang grupo ay tinawag na Romano samantalang ang ikalawa ay tinawag na Carthaginian. Ang mga miyembro ng grupo ay inihahanay sa kanilang tagumpay sa kanilang pang-araw-araw na leksiyon. Nagsimula si Rizal sa grupong Carthaginian na nasa hulihan ng talaan, pero makaraan ang isang buwan, siya ay tinanghal na emperador at ginawaran ng estampita. Nagtamo rin siya ng mga medalya at pagkilala dahil sa kanyang termino at nananatiling tumatanggap ng markang pinakamahusay sa halos lahat ng kanyang mga aralin. Nang lumaon ay nag-aral siya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas kasabay ng pag-aaral niya ng surveying sa pagtuturo ng mga Heswita. Nang siya ay 17 taong gulang ay nagtungo siya sa Espanya upang mag-aral sa Universidad Central de Madrid. Noong 1885 ay pareho niyang natapos ang kursong medisina at pilosopiya. Dahil sa espiritu ng liberalismo sa Europa kaya't mas lumawak ang kanyang interes. Nag-aral siya ng iba't ibang lengguwahe, naglakbay sa maraming bansa, kasabay ng kanyang aktibong kampanya para sa reporma sa Pilipinas. Isinulat niya ang isa pang nobela, ang El Filibusterismo at nagsalin ng Sucesos de las Islas Filipinas, kung saan kanyang itinuwid ang mga pagkakamali sa nakatalang kasaysayan ng Pilipinas. Nagbigay din siya ng mga kontribusyon sa La Solidaridad, ang pahayagan ng mga repormistang Pilipino sa Espanya. Nang siya ay magbalik sa Pilipinas noong 1892, ipinatapon siya sa Dapitan ng pamahalaang Espanyol, dahil sa umano'y pag-iingat ng mga subersibong papeles. Papunta siya sa Cuba upang magsilbi bilang boluntaryong doktor nang sumiklab ang rebolusyon sa Pilipinas. Hinuli siya at kinasuhan ng rebelyon at sedisyon. Noong Disyembre 30, 1896, binaril siya sa Luneta. Ayaw ni Rizal na barilin siya nang nakatalikod kagaya ng isang traydor, pero hindi pinayagan ang kanyang hiling na barilin na nakaharap sa firing squad. Sa oras ng eksekyusyon, nang marinig ni Rizal ang mga putok, ay ipinihit niya ang kanyang katawan. Bumagsak siyang patihaya, paharap sa sumisikat na araw sa umagang iyon ng Disyembre - kagaya ng isang kagalang-galang na tao na dapat na pagkilala sa kanya.

go to top
 

Jose Rizal